Minsan, mas napahaba ang aming paglalakbay dahil hindi namin nakita ang tamang daan. Wala kaming signal noon at wala ring mapang masusundan. Ang tanging gumabay sa amin ay ang naaala namin sa mapang nakita naming nakapaskil sa unahan ng lugar na iyon.
Parang ganoon din sa ating buhay. Hindi sapat na alamin lang kung ano ang tama at mali, dapat din nating malaman kung saan patutungo ang tinatahak natin. Sa Salmo 1, nakasaad roon ang dalawang uri ng pamumuhay – ang sa matuwid na nagmamahal sa Dios at ang sa masama na kaaway ng mga nagmamahal sa Dios. Ang matuwid ay tulad ng isang punongkahoy na namumunga sa takdang panahon at ang masama naman ay parang ipa na tinatangay ng hangin (TAL. 3-4). Inihahayag ng salmong ito kung ano ba talaga ang ibig sabihin ng namumunga. Makikita ito sa mga nanalig sa Dios para sa kanilang buhay.
Hinihikayat tayo sa Salmo 1 na huwag nang makikisama sa mga taong nangungutya at huwag sumunod sa mali nilang halimbawa. Sinabi rin doon na magalak tayo sa pagsunod sa aral na mula sa Panginoon (TAL. 2). Tayo ay mamumunga dahil, “pinapatnubayan ng Panginoon ang mga matuwid” (TAL. 6).
Ipagkatiwala natin sa Dios ang ating lakbayin at hayaan nating pangunahan Niya tayo upang maiwasan na ang mga dati nating gawi na wala namang magandang patutunguhan. Ang Salita ng Dios nawa ang siyang magpabunga sa ating puso tulad ng ilog na nagbibigay sustansya sa mga ugat ng puno.