Nang lumaganap ang krimen gamit ang kutsilyo sa United Kingdom, may naisip na magandang ideya ang British Ironwork Centre. Sa pakikipagtulungan ng mga lokal na pulis, gumawa sila ng mga kahon kung saan daang libong mga kutsilyo ang pasikretong isinuko ng mga tao. Ang ilan ay may mantsa pa ng dugo. Ipinadala ang mga kutsilyo kay Alfie Bradley na isang artist.
Inukit niya sa mga kutsilyong iyon ang ilang mga pangalan ng mga kabataang naging biktima ng krimen at mga mensahe ng pagsisisi ng mga mismong nakagawa ng krimen. Hininang ang lahat ng 100,000 kutsilyo at binuo ang tinatawag na Knife Angel, isang iskulturang may taas na 22 talampakan.
Nang tumayo ako sa tapat ng Knife Angel, naisip ko kung ilang libong sugat kaya ang naiwasan dahil sa iskulturang iyon. Naalala ko rin ang naging pangitain ni Isaias tungkol sa pagkakaroon ng bagong langit at bagong lupa (ISAIAS 65:17). Ito ay lugar kung saan wala ng bata ang mamamatay nang maaga (TAL. 20) o kakalakihan ang lugar na puno ng krimen (TAL. 22-23). Isa itong lugar kung saan wala ng krimen dahil gagawin na lang na talim ng araro ang mga espada roon (2:4).
Wala pa ang bagong mundong iyon pero dapat tayong manalangin at patuloy na maglingkod sa Dios habang naghihintay (MATEO 6:10). Ang Knife Angel ay nagsisilbing pasulyap sa bagong mundong ito na ipinangako ng Dios. Magiging pangararo ang mga espada, at likhang sining ang mga sandatang pandigmaan. Ano pang proyekto na maaaring maging pasulyap sa bagong mundo?