Tinanong ako minsan ng anak kong babae, “Tay, bakit kailangan n’yo pong magtrabaho?” Naitanong niya iyon dahil gusto niyang makipaglaro sa akin. Mas gusto ko rin sanang hindi muna pumasok at makipaglaro sa anak ko pero naalala ko ang napakarami kong dapat gawin.
Bakit nga ba tayo nagtatrabaho? Dahil lang ba ito sa pagnanais nating maipagkaloob ang mga pangangailangan natin at ng ating mahal sa buhay? Bakit naman kaya natin ginagawa ang mga gawaing wala namang bayad?
Sinasabi sa atin sa Genesis 2 na pinatira ng Dios sa halaman ang unang taong nilikha Niya para “mag-alaga nito” (TAL. 15). Sinabi naman ng aking biyenan na isang magsasaka na nagtatanim at nag-aalaga siya ng mga hayop dahil sa gusto niya talagang gawin iyon. Maganda ang motibasyon ng aking biyenan pero paano naman kaya ang iba na hindi naman gusto ang kanilang trabaho? Bakit kaya tayo inilagay ng Dios sa isang partikular na lugar at binigyan Niya ng partikular na gawain?
Makikita natin ang sagot sa Genesis 1. Nilikha tayo ng Dios ayon sa Kanyang wangis upang pangalagaan ang mundong nilikha Niya (TAL. 26). Ayon sa mga paganong kuwento, nilikha ng mga dios-diosan ang tao para maging alipin nila. Pero ipinapahayag naman sa Genesis ang katotohanang nilikha ng tunay at nag-iisang Dios ang mga tao upang maging kinatawan Niya. Nawa’y makita sa ating pangangalaga sa mundo ang karunungan at pag-ibig ng Dios. Ang pagtatrabaho ay itinakdang gawin natin upang pagyamanin ang mundong nilikha ng Dios para sa Kanyang kaluwalhatian.