Malaki ang pagkilala sa mga naging tagabantay ng Cape Hatteras Lighthouse sa North Carolina simula 1803. Tinatawag silang “Keepers of the Light.” Ang mga pangalan nila ay inukit sa mga lumang batong pundasyon. Mababasa rin doon ang paliwanag na sa pamamagitan nito, ang mga bumibisita sa lugar na iyon ay magnanais na sundin ang kanilang mga yapak at naisin din na bantayan ang lighthouse.
Si Jesus ang tunay na nagbibigay ng ilaw. Sinabi Niya, “Ako ang ilaw ng mundo. Ang sumusunod sa Akin ay hindi na mamumuhay sa kadiliman, kundi magkakaroon ng ilaw na nagbibigay-buhay” (JUAN 8:12). Sinabi ito ni Jesus upang patunayan ang Kanyang relasyon sa Dios Ama, ang Manlilikha ng liwanag at buhay na siyang nagsugo sa Kanya.
Kung kay Jesus tayo magtitiwala bilang ating Panginoon at Tagapagligtas, maaayos muli ang ating nasirang relasyon sa Dios at bibigyan Niya tayo ng bagong layunin at kapangyarihang magawa ang mga ipinapagawa Niya. Ang buhay at pag-ibig ni Jesus ang siyang magpapabago sa atin at Siya ang “nagbibigayliwanag sa mga tao” (1:4). Magliliwanag Siya sa atin at sa pamamagitan natin. Siya rin ang magsisilbing ilaw natin sa madilim at mapanganib na mundong ito.
Bilang mga mananampalataya ni Jesus, magiging tagabantay tayo ng ilaw o mga “keepers of the light.” Nawa’y makita ng ibang tao na nagliliwanag ang ilaw ni Jesus sa ating mga buhay. Sa gayon, malalaman nila na tanging kay Jesus lamang nila masusumpungan ang buhay na ganap at pag-asa.