Ang kalungkutan ang isa sa lubos na nakakaapekto sa ating buhay. Naapektuhan nito ang ating kalusugan at paguugali. Ayon sa isang pag-aaral, malaking porsiyento sa bilang ng mga tao anuman ang edad o kasarian ay nakakaranas ng kalungkutan sa kanilang buhay. Kaugnay nito, isang supermarket sa Britain ang naglagay ng tinatawag nilang “Nagsasalitang Mesa” sa kanilang mga kainan. Maaaring maupo roon ang mga nagnanais ng kausap. Sa pamamagitan ng mga ito ay nakakapagsimula ng mga bagong koneksyon at komunidad.
Ang mga unang mananampalataya ay nagnanais din na magkaroon ng koneksyon o ugnayan sa kapwa nila mananampalataya. Sa mga panahong iyon, malungkot at mahirap ang mag-isa sa pagsasabuhay ng kanilang pananampalataya dahil naninibago pa ang mundo ukol dito.
Hindi lang sila naging masigasig “sa pag-aaral ng mga itinuturo ng mga apostol” para malaman kung paano mamuhay ang isang tagasunod ni Jesus, araw-araw din silang “nagtitipon sa templo” at “naghahati-hati ng tinapay sa kanilang mga bahay” para mabigyan ng lakas ng loob ang bawat isa at para sa matatag na pakikipag-ugnayan o samahan (GAWA 2:42, 46).
Kailangan natin ang makipag-ugnayan sa iba dahil ito ang disenyo ng Dios sa atin. Higit natin itong kailangan tuwing nakakaranas tayo ng kalungkutan. Tulad ng mga unang mananampalataya, mahalaga ang pakikipag-ugnayan sa ibang tao dahil malaki ang maitutulong nito sa atin. Nawa’y maging handa rin tayo na maging bukas para sa mga taong nangangailangan ng makakausap o makakasama.