Tuwing Memorial Day, inaalala ko ang mga nagbigay ng kanilang serbisyo noong panahon ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig tulad ng aking ama at mga tiyo. Nakauwi sila sa kani-kanilang mga tahanan pero daan-daang libong mga pamilya ang nawalan ng mahal sa buhay. Ngunit kung tatanungin ang aking ama at ang halos lahat ng mga sundalo noong panahong iyon, sasabihin nila na handa silang isakripisyo ang kanilang buhay upang protektahan ang kanilang mga mahal sa buhay at mga pinaglalabang paniniwala.
Kapag may namatay para sa pagtatanggol sa kanilang bayan, ang talata sa aklat ng Juan ang madalas na banggitin sa kanilang funeral service bilang pagbibigay parangal sa kanilang sakripisyo. Sinasabi roon, “Wala nang pag-ibig na hihigit pa sa pag-ibig ng isang taong nag-alay ng kanyang buhay para sa kanyang mga kaibigan” (15:13). Ano ba ang pangyayaring nasa likod ng talatang ito?
Malapit na ang kamatayan ni Jesus nang sabihin Niya ito sa Kanyang mga tagasunod. At ng mga sandaling iyon, papunta na si Judas na isa sa mga tagasuod ni Jesus para ipagkanulo Siya (13:18-30). Alam ni Jesus ang lahat ng ito pero pinili pa rin Niyang isakripisyo ang Kanyang buhay para sa mga kaibigan at kaaway Niya.
Taos-pusong inalay ni Jesus ang Kanyang buhay para sa mga sasampalataya sa Kanya at maging sa mga kaaway Niya noon (ROMA 5:10). Bilang tugon, hinihiling Niya sa atin na mahalin ang bawat isa tulad ng pagmamahal Niya sa atin (JUAN 15:12). Ang Kanyang dakilang pag-ibig ang mag-uudyok sa atin upang mahalin ang ating kapwa, kaibigan man o kaaway.