Hindi madaling talakayin ang paksang ibinigay sa isang tagapagsalita dahil maaari itong pagsimulan ng tensyon. Kaya naman, tinalakay niya ang paksang iyon sa harapan ng maraming tao nang may kababang-loob at kahinahunan at minsa’y may kasama pang pagpapatawa. Nawala ang tensyon at nakitawa na sa kanya ang mga manonood. Nagawa ng tagapagsalita na masolusyunan ang problema sa pamamagitan ng maingat na pagpili sa kanyang mga sasabihin at ang pamamaraan ng pagsasabi ng mga ito.
Ganito rin ang nais iparating sa atin ni Haring Solomon: “Ang matatamis na salita ay parang pulot-pukyutan, nakakapagpasaya at nakakapagpasigla ng katawan” (KAWIKAAN 16:24). Sinabi pa niya, “Ang taong marunong ay nag-iingat sa kanyang mga sinasabi, kaya natututo ang iba sa kanya” (TAL. 23).
Alam ni Solomon na maaaring makakapanira ang salita kaya nagsulat siya tungkol dito. Noong mga panahong iyon, umaasa ang mga hari sa mga mensahero para makakuha ng balita tungkol sa kanilang nasasakupan. Tunay na pinahahalagahan ang mga mensahero noon na mahinahon at tapat dahil maingat sila sa kanilang mga binibitawang salita at hindi nila pinapalaki ang mga bagay-bagay at hindi rin sila gumagamit ng marahas na pananalita.
Makikinabang tayong lahat sa pagiging maingat sa pagsasabi ng ating mga opinyon o iniisip. Sinasabi pa ni Solomon, “Ang mga balak ng isipan ay sa tao nagmumula, ngunit mula kay Yahweh ang sagot ng dila (TAL. 1 MBB).