Ayon sa The Book of Odds, isa sa isang milyong tao ang tinatamaan ng kidlat. Sinasabi rin doon na isa naman sa 25,000 tao ang nagkakaroon ng kondisyon na tinatawag na ‘broken hearted syndrome’ dahil sa mga matitinding sitwasyon sa buhay. Paano kung tayo ang dumanas ng mga iyon?
Hindi naman nagpatalo si Job sa lahat ng problemang dinanas niya. Sinabi ng Dios, “Napansin mo ba ang lingkod kong si Job? Wala siyang katulad sa buong mundo. Matuwid siya at malinis ang pamumuhay. May takot siya sa Akin at umiiwas sa kasamaan” (JOB 1:8). Pero kahit ganoon, pinahintulutan ng Dios na makaranas si Job ng iba’t ibang pagsubok na lubos na mahirap. Dahil sa pagiging matuwid ni Job, tila may dahilan siya para tanungin kung bakit nangyari sa kanya ang mga iyon. Mababasa natin sa buong aklat ng Job ang mga nangyari sa kanya at mauunawaan natin ang dahilan sa tanong niyang, “Bakit ako?”
Ang kuwento ni Job ay nagbibigay sa atin ng halimbawa kung paano tayo tutugon sa mga hindi natin maipaliwanag na masasamang pangyayari sa ating buhay. Nakita natin mula sa kanyang buhay na bagamat itinuturing natin na mabuti tayong tao, hindi laging mabuti ang aaanihin natin (4:7-8). Hinayaan ng Dios na subukin si Job ni Satanas (KAB. 1) na siya ring nagsugo sa Kanyang Anak na si Jesus para pagbayaran ang ating mga kasalanan. Sa huli, pinalitan ng Dios ang mga nawala kay Job.
Ang kuwento ni Job ang magbibigay sa atin ng dahilan para patuloy na mamuhay sa pananampalataya at hindi sa mga bagay na nakikita.