Nakinig nang mabuti ang aking counselor habang ikinukuwento ko sa kanya ang iba’t ibang emosyon na naramdaman ko dahil sa mga pinagdaanan ko. Sinabi naman niya sa akin na tumingin ako mula sa bintana at pagmasdan ang mga puno sa labas. Kulay kahel at ginto ang mga dahon ng puno at ang mga sanga’y gumagalaw dahil sa hangin.
Itinuro ko sa kanya ang katawan ng puno na hindi naman gumagalaw. Sinabi niya, “Parang ganoon din tayo. Tulad tayo ng mga sanga na dinadala ng hangin sa iba’t ibang direksyon at nakakaramdam ng iba-ibang emosyon dahil sa mga nararanasan nating mga pagsubok. Pero dapat nating sikapin na maging tulad ng katawan ng puno na may malalim na ugat kaya hindi natitinag ano man ang pagdaanan natin sa buhay.
Tumatak iyon sa isip ko. Ganoon din ang sinabi ni Apostol Pablo sa mga bagong sumasampalataya kay Cristo sa Efeso. Ipinaalala ni Pablo sa kanila ang kagandahang-loob ng Dios na nagbigay sa kanila ng bagong buhay na may layunin at halaga (EFESO 2:6-10). Dalangin ni Pablo na ang lahat ng kanilang paglilingkod ay nag-uugat sa pag-ibig ni Cristo (3:17) at hindi na sila “nadadala ng iba’t ibang aral ng mga taong nanlilinlang” (4:14).
Minsan, madali talaga tayong panghinaan ng loob dahil sa ating mga takot at mga kahinaan. Pero kung sa Dios tayo mananangan (4:22-24), mararanasan nating mamuhay nang mapayapa kasama ang Dios at ang bawat isa (TAL. 3). Sa pamamagitan ng Kanyang kapangyarihan, patuloy tayong lalago at lalakas (TAL. 15-16).