Sa isang tagpo sa pelikula, pagalit na inihayag ng pangunahing tauhan ang kanyang saloobin sa harap ng camera ang tungkol sa masasamang nangyayari sa mundo tulad ng korupsiyon at kahirapan. Sinasabi niyang pagpapakita ito na hindi kumikilala sa Dios ang mga tao. Karaniwan na ang ganitong eksena sa mga pelikula ngayon pero ang kakaiba sa pelikulang ito ay ang pinatunguhan ng kuwento. Sinabi ng pangunahing tauhan sa huli na gawin natin ang lahat para maging masaya. Para sa kanya, subukan natin ang lahat kahit na taliwas pa ito sa moralidad.
Tama ba ang sinabi niyang iyon na gawin ang lahat? Sa aklat ng Mangangaral, mababasa natin na sinubukan din ng manunulat na maging masaya sa pamamagitan ng mga layaw sa buhay (2:1, 10), ng paggawa ng mga malalaking proyekto (TAL. 4-6), ng kayamanan (TAL. 7-9), at ng karunungan (TAL. 12-16). Ngunit ano ang natuklasan niya? Sinabi niya, “Ang lahat ng ito ay walang kabuluhan, para ka lang humahabol sa hangin” (TAL. 17). Ang lahat nga ay hindi ligtas na makaranas ng kamatayan, kaguluhan, o kawalan ng katarungan (5:13-17).
Napagtanto ng manunulat ng Mangangaral na sa kabila ng ating mga nararanasang hirap, magkakaroon ng kabuluhan ang ating buhay sa pamamagitan lamang ng Dios, “Kung wala ang Dios, sino pa ba ang makakakain o makakaranas ng kasiyahan?” (2:25 mbb). Alalahanin natin ang Dios na ating Manlilikha (12:1).
Huwag nating pagurin ang ating sarili sa kakahanap kung ano ang kahulugan ng buhay. Sa halip, “Matakot [tayo] sa Dios at sundin [natin] ang Kanyang mga utos, dahil ito ang tungkulin ng bawat tao” (TAL. 13). Siya ang dapat na maging sentro ng ating buhay.