May magandang pananaw ang mongheng si Thomas à Kempis tungkol sa pagsubok at tukso na mababasa sa librong The Imitation of Christ. Sa halip na ituon daw ang pansin sa paghihirap na dulot ng pagsubok at tukso, sinabi niyang makakatulong ito para mas maging mapagpakumbaba tayo. Ayon sa kanya, “Ang susi sa tagumpay ay tunay na pagpapakumbaba at pagtitiis.”
Bilang sumasampalataya naman kay Cristo, ang maging mapagpakumbaba at mapagtiis nawa ang maging tugon ko sa tuwing humaharap ako sa anumang tukso. Pero ang madalas na tugon ko ay ang mahiya, magalit at mawalan ng pag-asa na hindi ko mapagtatagumpayan ang tukso.
Mababasa naman sa Santiago 1 na may layunin ang mga tukso at pagsubok na ating hinaharap. Magdudulot ng dalamhati kung magpapadaig tayo sa tukso (TAL. 13-15), pero kung lalapit tayo sa Dios nang may mapagkumbabang puso at humingi sa Kanya ng karunungan, ibibigay Niya ito nang walang pagmamaramot at panunumbat (TAL. 5). Magbubunga naman ng pagtitiyaga kung titiisin natin ang mga pagsubok at iiwasang mahulog sa kasalanan, “upang maging ganap at walang anumang pagkukulang ang buhay [natin]” (TAL. 4).
Kung magtitiwala naman na tayo kay Jesus, hindi na tayo dapat mamuhay sa takot. Bilang minamahal na anak ng Dios, makakasumpong tayo ng kapayapaan kahit na humaharap tayo sa mga pagsubok at tukso.