Sa kagustuhan kong makita ang palabas ng mga nagmomotorsiklo, tumitingkayad ako para mapanood sila. Napakarami kasing tao. May napansin din akong tatlong bata na nasa puno sa ’di kalayuan. Hindi rin sila makasingit, kaya umakyat sila para makapanood.

Naalala ko sa mga batang iyon ang kuwento ni Zaqueo na umakyat din sa isang puno (LUCAS 19:2). Isang maniningil ng buwis si Zaqueo. Pero, hindi maganda ang tingin ng mga Israelita sa mga tulad niya. Para sa kanila, mga traydor ang mga ito dahil nagtatrabaho sila para sa mga Romano at dahil sobra kung maningil sila ng buwis sa kapwa nila Judio. Kaya, masasabi nating masama ang turing ng mga tao kay Zaqueo.

Nang minsang padaan si Jesus sa Jerico, nais Siyang makita ni Zaqueo pero naging mahirap iyon dahil sa dami ng tao. Kaya naman, umakyat siya sa puno ng sikomoro para lamang makita si Jesus (TAL. 3-4). At sa kabila ng napakaraming tao, tumingin si Jesus kay Zaqueo at sinabing nais Niyang tumuloy sa bahay nito (TAL. 5).

Ipinapaalala sa atin ng kuwento ni Zaqueo na naparito si Jesus sa mundo upang hanapin ang mga naliligaw. Naparito rin si Jesus upang ialok sa atin ang kaligtasan sa kaparusahan sa kasalanan at ang maging kaibigan Siya (TAL.9-10). Kahit na iniisip natin na hindi maganda ang tingin sa atin ng ating komunidad tulad ni Zaqueo, tiyak na hahanapin tayo ng Panginoong Jesus sa gitna ng maraming tao.