Nasa loob ng kubong pangisda ang binatilyong si Aldi nang matanggal ito sa pagkakatali sa pampang dahil sa malakas na hangin. Natangay ang kubo at nagpalutanglutang sa karagatan sa loob ng 49 araw. Sa tuwing may daraang barko, sinisindihan ni Aldi ang kanyang ilawan para mapansin siya. 10 barko ang dumaan bago pa masaklolohan ang nangayayat na si Aldi.
May ikinuwento namang talinghaga si Jesus sa isang “tagapagturo ng Kautusan” (LUCAS 10:25). Tungkol ito sa isang tao na nangailangan ng saklolo. Isang pari at isang Levita ang nakakita sa lalaking sugatan. Pero, lumihis lamang ng daan ang dalawang ito sa halip na tulungan ang lalaki (TAL. 31-32). Hindi naman binanggit kung bakit hindi sila tumulong. Parehong relihiyoso ang dalawa at alam nila ang utos ng Dios na mahalin ang kapwa (LEVITICO 19:17-18).
Iniisip siguro nila na mapapahamak sila o kaya nama’y ayaw nilang suwayin ang kautusan ng mga Judio na bawal humawak ng katawan ng patay. Ituturing kasi silang marumi at hindi na maaaring makapaglingkod sa templo. Taliwas naman ang ginawa ng Samaritano na itinuturing na hamak ng mga Judio. Nang makita nito ang lalaking sugatan, sinaklolohan niya ito at inalagaan.
Ibinuod naman ni Jesus ang Kanyang pagtuturo sa pagsasabi sa mga nagtitiwala sa Kanya na tularan ang ginawa ng Samaritano (LUCAS 10:37). Nawa’y bigyan tayo ng Dios ng pagnanais na tulungan ang ating kapwa kahit na may kaakibat itong panganib.