Ayon kay Thomas Hobbes na kilala sa larangan ng pilosopiya, ang likas na kalagayan ng buhay ng tao ay malungkot, mahirap at maikli lamang. Sinabi niya na likas din sa atin na makipagdigma at maging mas makapangyarihan kaysa sa iba. Kaya naman, kailangang magtatag ng pamahalaan para magkaroon ng kaayusan.
Ang hindi magandang pananaw na iyon ay tulad ng ginawang paglala-rawan ni Jesus. Sinabi Niya, “May mga tagapagturo na nauna sa akin, na ang katulad ay mga magnanakaw at mga tulisan” (Juan 10:8). Pero sa kabila nito, pag-asa ang kaloob ng Dios, “Dumarating ang magnanakaw para lang magnakaw, pumatay at mangwasak. Ngunit dumating Ako upang magkaroon ang mga tao ng buhay na ganap” (Tal. 10).
Mababasa naman natin sa Salmo 23 ang buhay na ipinagkakaloob ng ating Pastol. Sa pamamagitan Niya’y hindi tayo magkukulang ng anuman (Tal. 1) at mayroon tayong panibagong kalakasan (Tal. 3). Pinapatnubayan Niya tayo sa tamang daan at dumaan man tayo sa madilim na libis, hindi tayo matatakot dahil nariyan Siya upang pagaanin ang ating kalooban (Tal. 3-4).
Pinagtatagumpay Niya tayo sa harap ng ating kaaway at lubos na pinagpapala (Tal. 5). Ang pag-ibig at kabutihan Niya ay mapapasaatin sa bawat araw at titira tayo sa bahay Niya magpakailanman (Tal. 6). Nawa’y tumalima tayo sa tawag ng ating Pastol upang maranasan ang buhay na ganap na ipinagkakaloob Niya.