“Malapit nang pumanaw ang tatay mo.” Iyan ang sinabi sa akin ng nars na nagbabantay sa kanya. Matinding kalungkutan ang nadama ko nang marinig ko iyon. Sa huling araw ng aming tatay, umupo ako at ang kapatid ko sa tabi niya. Hinagkan namin ang kanyang ulo at muli naming ipinaalala ang mga pangako ng Dios sa kanya. Inawit din namin ang “Tunay Kang Matapat” at binigkas ang Salmo 23.
Sinabi namin sa kanya na mahal namin siya at nagpasalamat kami dahil sa pagiging ama niya sa amin. Alam namin na nais na niyang umuwi sa piling ni Jesus at sinabi namin na maaari na siyang magpaalam sa amin. Napakasakit ng pamamaalam na iyon. Makalipas ang ilang minuto, kapiling na ng tatay namin ang Dios sa kanyang walang hanggang tahanan.
Masakit ang magpaalam sa mga taong mahal natin. Maging si Jesus ay nalungkot at umiyak nang mamatay ang matalik Niyang kaibigang si Lazarus (Juan 11:35). Pero dahil sa mga pangako ng Dios, may pag-asa tayo sa kabila ng kamatayang pisikal. Ayon sa Salmo 116:15, “mahalaga” sa Dios ang Kanyang mga banal na lingkod. Makararanas man sila ng pisikal na kamatayan, muli silang bubuhayin ng Dios.
May magandang pangako si Jesus, “Ako ang bumubuhay sa mga namatay, at Ako rin ang nagbibigay ng buhay. Ang sumasampalataya sa Akin, kahit mamatay ay muling mabubuhay. Ang sinumang nabubuhay at sumasampalataya sa Akin ay hindi mamamatay kailanman” (Juan 11:25-26). Tunay na nagbibigay sa atin ng pag-asa at kaaliwan ang katotohanang makakapiling natin si Jesus magpakailanpaman.