Noong nangyari ang Unang Digmaang Pandaigdig, nasabi ng Briton na si Sir Edward Grey ang ganitong pangungusap, “Hindi na natin muli makikita ang liwanag ng mga lampara sa buong Europa sa buhay na ito.” Tama siya. Noong natapos na kasi ang digmaan na tumapos sa lahat ng hidwaan, 20 milyon katao ang namatay at 10 milyon dito ay mga sibilyan.

Kahit hindi tayo nakaranas ng pagkawasak bunga ng malawakang digmaan, maaaring tayo naman ay nakakaranas ng mga kaguluhan at hindi pagkakasundo sa ating tahanan, trabaho, simbahan at komunidad. Ito ang isa sa mga dahilan kung bakit tayo tinawag ng Dios upang maging daluyan ng pagkakasundo at kapayapaan. Nararapat tayong sumandig sa karunungan ng ating Dios upang maisapamuhay natin ito.

Sinabi ni Apostol Santiago, “Ang taong may karunungang mula sa Dios, una sa lahat ay may malinis na pamumuhay. Maibigin siya sa kapayapaan, mahinahon, masunurin, puno ng awa at kabutihan, walang pinapaboran, at hindi nagkukunwari. Ang taong maibigin sa kapayapaan at nagpapalaganap nito ay nagdudulot ng maayos na relasyon sa iba” (Santiago 3:17-18).

Ang maging daluyan ng kapayapaan at pagkakasundo ay may mahalagang bahagi dahil sa biyaya na bunga nito. Ang nagnanais ng kapayapaan ay nakakatulong upang maging maayos ang isang relasyon. Sinabi ng Panginoong Jesus, “Mapalad ang mga taong nagtataguyod ng kapayapaan, dahil tatawagin silang mga anak ng Dios” (Mateo 5:9). Nawa ang mga nagtitiwala kay Jesus ay maging instrumento ng kapayapaan sa panahon na kinakailangan ito.