Minsan, nagsama-sama kaming muli ng mga kaibigan ko. Ginugol namin ang mga araw na magkakasama kami sa paglalaro sa dagat at sa pagsasalu-salo sa pagkain. Pero, ang pinakamasaya ay ang aming pagkukuwentuhan tuwing gabi. Sa mga pagkakataong iyon, naging bukas kami sa pagbabahagi ng mga pinagdaraanan namin. Lagi naman naming ipinapaalala sa bawat isa ang katapatan ng Dios sa kabila ng mga pagsubok na iyon. Lubos kong pinahahalagahan ang mga gabing iyon.
Tila ang mga gabing iyon ay tulad ng nais ng Dios na gawin ng mga Israelita. Sinabi ng Dios sa mga Israelita na magtipon-tipon bawat taon para ipagdiwang ang Pista ng Pagtatayo ng mga Kubol. Dapat silang pumunta sa Jerusalem at kapag nakarating na sila roon, sasamba sila sa Dios at hindi sila dapat magtrabaho sa buong linggo habang ipinagdiriwang ang pista (Leviticus 23:35).
Layunin ng pistang ito na ipagdiwang ang pagkakaloob ng Dios sa pangangailangan ng mga Israelita at ang paggunita sa mga panahong nasa liblib na lugar sila matapos makaalis sa Egipto (Tal. 42-43).
Ang pagtitipong iyon ang nagpatibay sa mga Israelita bilang mga piniling mamamayan ng Dios at ang pagpapahayag sa Kanyang kabutihan sa kabila ng kanilang mga dinanas na paghihirap. Lalo rin namang tatatag ang ating pananampalataya sa tuwing inaalala natin sa ating mga pagtitipon ang kabutihan at pagkilos ng Dios sa ating mga buhay.