Kailangang umakyat ng 259 na baitang ang mga turista sa St. Paul’s Cathedral sa London para marating nila ang The Whispering Gallery. Maaari kang bumulong doon at maririnig ito ng sinuman kahit pa magkalayo kayo ng isang daang talampakan. Ayon sa mga inhinyero, naririnig kahit na ang napakahinang bulong dahil sa pabilog na istruktura ng katedral.
Nagnanais din naman tayo na madinig ng Dios ang bawat pagtawag at pagbulong natin. Punung-puno ang aklat ng Salmo ng mga tula, sulat, at awit na nagsasaad na pinakikinggan tayo ng Dios—ang mga pagluha, panalangin, at pagbulong natin. Sinabi ni David, “Humingi ako ng tulong sa Inyo, Panginoon kong Dios” (Salmo 18:6).
Paulit-ulit na nakiusap si David at ang iba pang salmista na “Sagutin N’yo po ako” (4:1), ang aking tinig (5:3), ang aking daing (102:20). Minsan naman, ipinahahayag ni David ang paghingi niya ng tulong sa pamamagitan ng bulong, “Tumatawag ako” (77:1), “nagbubulay-bulay ako at tinatanong ang aking sarili” (77:6).
Palaging nariyan ang Dios para makinig sa bawat pagtawag natin. Ayon rin kay David sa Salmo 18:6: “Pinakinggan N’yo ang panalangin ko sa Inyong templo.” Nasaan man tayong dako, palaging pinakikinggan ng Dios mula sa langit ang bawat hinaing at pagbulong natin.