Magkasunod na pumanaw ang mga magulang ko sa loob lamang ng tatlong buwan. Kakaiba man, pero nangangamba akong baka malimutan na nila ako. Nag-iwan sa akin ng pag-aalinlangan ang paglisan ng mga magulang ko sa mundo. Iniisip ko kung paano ako mabubuhay nang mag-isa ngayong wala na sila. Dahil sa matinding kalungkutan at pag-iisa, hinanap ko ang Dios.
Isang umaga, inilahad ko sa Dios ang mga pangamba at kalungkutan ko (kahit pa alam na Niya ang mga ito). Eksakto ang mensahe ng Biblia sa araw na iyon para sa nararanasan ko. Sinasabi sa Isaias 49: “Makakalimutan ba ng isang ina ang kanyang anak...? Maaaring makalimot ang isang ina, pero Ako, hindi makalilimot sa inyo! (Tal. 15). Nangako ang Panginoon sa bayan Niya sa pamamagitan ni Isaias na hindi Niya malilimutan ang mga ito.
Panunumbalikin ng Dios ang mga ito sa Kanya sa pamamagitan ng Anak Niyang si Jesu-Cristo. Pumukaw sa puso ko ang mensaheng iyon. Hindi pangkaraniwang malimutan ng isang ina o ama ang anak niya. Pero maaari itong mangyari. Pero ang Dios? Hinding-hindi Niya tayo malilimutan. Ayon sa Kanya, “Nakaukit ka sa Aking mga palad.”
Nagbigay ng kapayapaan sa mga pangamba ko ang pagpapaalala ng Dios na hindi Niya ako iiwan. Napagtanto kong higit na mas malapit ang Dios sa atin sa kahit sino pang tao. Nalalaman Niya kung paano tayo tutulungan sa lahat ng bagay pati ang pagpawi sa mga pangamba natin.