Isang araw, habang nagtatabas ng damo sa bakuran ng simbahan si Melvin ay nakita niya si Brittany. Tila isa itong prostitute. Pinukaw ng Banal na Espiritu ang puso ni Melvin para kausapin si Brittany at ipinahayag sa kanya ang dakilang pag-ibig ng Dios. Niyaya rin niya ito sa pagsamba. Sinabi naman ni Brittany, “Nalalaman mo ba ang trabaho ko? Hindi ninyo nanaisin na dumalo ako sa pagsamba ninyo.”
Napaluha naman siya habang ipinapahayag ni Melvin ang tungkol sa kapangyarihan ng Dios na kayang bumago sa buhay ng tao. Makalipas ang ilang linggo, iniwan na ni Brittany ang dating buhay niya. Tunay na makapangyarihan ang Dios. Kaya Niyang baguhin ang buhay ng isang tao.
Hiniling naman ni Apostol Pablo sa mga taga-Colosas na ipanalangin sila para sa kanilang pagpapahayag tungkol kay Cristo. Sinabi niya, “Ipanalangin n’yo rin na bigyan kami ng Dios ng pagkakataon na maihayag ang mensahe tungkol kay Cristo na inilihim noon. Ang pangangaral ko tungkol dito ang dahilan ng pagkabilanggo ko. Ipanalangin n’yo na maipangaral ko ito nang mabuti, gaya nang nararapat” (Colosas 4:3-4).
Ipinanalangin ba natin na pagkalooban tayo ng Dios ng katapangan para ipahayag ang dakilang gawa Niya? Isa itong magandang dalangin. Ang mga panalanging tulad nito ang magpapalakas sa mga taong nagtitiwala kay Cristo na ipahayag ang kabutihan Niya sa lahat ng pagkakataon. Maaaring makadama tayo ng hiya sa tuwing ipinapahayag natin ang tungkol sa Dios. Pero isang buhay ang maaaring mabago dahil dito. Gagantimpalaan at gagabayan Niya tayo.