Bagong lipat pa lamang sila Mabel sa kanilang lugar kaya nag-aatubili ang pitong taong gulang niyang anak na si Ryan na maghanda sa summer camp sa bago niyang eskuwelahan. Pinalakas naman ni Mabel ang loob ng kanyang anak at sinabi rito na nauunawaan niya na mahirap talaga para sa anak ang mga pagbabagong hinaharap nito dulot ng kanilang paglipat. Ngunit isang umaga, tila tumindi ang pagkabalisa ni Ryan kaya tinanong niya ito kung ano ang bumabagabag sa anak. Sumagot si Ryan, “Hindi ko po alam, Nanay. Masyado lang po akong maraming nararamdaman.”
Napukaw ang puso ni Mabel at sinubukang aliwin ang anak. Sinabi niya na mahirap din para sa kanya ang paglipat nila at tiniyak na palagi nilang kasama ang Dios. Nauunawaan ng Dios ang lahat ng bagay, kahit hindi nila mabigkas ang mga nadarama nila. Sinabi ni Mabel na nauunawaan tayo ng Dios ano man ang nadarama natin.
Nakaranas din ng matinding pagkabalisa ang sumulat ng Salmo 147. Marami mang naranasang lungkot sa buhay pananampalataya ang manunulat, napatunayan niyang ang Dios ang dakilang Manlilikha at Manggagamot ng mga pisikal at emosyonal na karamdaman (Tal. 1-6). Pinapurihan ng manunulat ang Panginoon dahil sa katapatan Niya, at Siya ay “nalulugod sa mga may takot sa Kanya at nagtitiwala sa Kanyang pag-ibig” (Tal. 11).
Hindi tayo nag-iisa sa kabila ng mga nadarama nating kalungkutan at pagkabigo. Makakaasa tayo sa dakilang pag-ibig at pang-unawa ng Dios. Hindi Siya nagbabago. Nauunawaan Niya tayo.