Noong nagtuturo pa ako sa pulpito, may mga araw ng Linggong tila nanghihina ang kalooban ko. Sa mga nakaraang araw kasi, bigo akong maging mabuting asawa, ama, at kaibigan. Pakiramdam ko, nararapat na maging malinis at maayos ang pamumuhay ko bago ako muling maging kagamit-gamit sa pagtuturo tungkol sa Panginoon. Matapos kong magturo, muli akong nangangakong mamumuhay nang mas maayos sa darating na linggo.
Mali ang pananaw kong iyon. Sa Biblia, sinasabi sa Galacia 3 na patuloy tayong binibigyan ng Dios ng kaloob–ang Kanyang Espiritu, na siyang bumabago sa atin. Pinagkakalooban tayo ng Espiritu hindi dahil sa mabubuti nating gawa o dahil karapat-dapat tayo.
Napatunayan naman sa buhay ni Abraham ang katotohanang ito. Bigo man siya na maging mabuting asawa at naipahamak ang buhay ni Sara para iligtas ang kanyang sarili (Genesis 12:10-20; 20:1-8), itinuring pa rin siyang matuwid dahil sa kanyang pananampalataya (Galacia 3:6). Sa kabila ng mga kabiguan at pagkukulang niya, ipinagkatiwala ni Abraham ang kanyang buhay sa Dios. At ginamit siya ng Dios para sa kaligtasan ng sangkatauhan. Mula sa lahi ni Abraham nagmula ang Tagapagligtas.
Hindi katanggap-tanggap sa Dios ang mga mali nating ginagawa. Pero tinatawag at tinutulungan tayo ni Jesus para sumunod sa Kanya. Maaari tayong maging kagamit-gamit sa Dios sa kabila ng mga kabiguan natin. At hindi ito dahil sa kabutihan natin, kundi dahil sa awa at biyaya Niya. Kaloob Niya ito sa atin.