Alas-dos pa lang ng umaga ay gising na si Nadia para manghuli ng mga sea cucumber. Hindi niya alintana ang paggising ng maaga. Sinabi niya na napakahirap ng buhay niya noon at wala siyang mapagkunan ng panggastos. Nagpapasalamat siya sa Panginoon dahil sa pagbibigay sa kanya ng pagkakataon na maging kasapi sa proyektong nangangalaga sa mga yamang dagat na kanyang ikinabubuhay ngayon. Ang proyektong ito na tinatawag na Velondriake ay nakadepende sa yamang dagat na likha ng Dios.
Mababasa natin sa Salmo 104 ang pagpupuri sa Dios dahil sa Kanyang pagkakaloob, “Pinatutubo N’yo ang mga damo para sa mga hayop, at ang mga tanim ay para sa mga tao upang sila’y may maani at makain...Ang dagat ay napakalawak, at hindi mabilang ang Inyong mga nilalang dito, may malalaki at maliliit” (Tal. 14, 25).
Nakakamanghang isipin kung paanong natutugunan ang ating mga pangangailangan sa pamamagitan ng mga likha ng Dios. Halimbawa na nga ang mga sea cucumber na hindi lang nakakatulong sa dagat kundi naging kabuhayan din para kay Nadia at sa kanilang komunidad.
Mahalaga ang bawat likha ng Dios. Ginagamit Niya ang lahat ng ito para sa Kanyang kaluwalhatian at sa ikabubuti natin. Sinasabi sa talata 33, “Aawit ako sa Panginoon habang nabubuhay. Aawit ako ng papuri sa aking Dios habang may hininga.” Purihin din natin ang Panginoon habang inaalala natin ang pagkakaloob Niya sa mga pangangailangan natin.