Habang nangangabayo sa disyerto ng Chihuahua noong 1800, nakakita ng kakaibang puting usok na umiikot paitaas si Jim White. Dahil inakala niyang isang napakalaking sunog ito, agad siyang lumapit dito. Isa palang malaking grupo ng mga paniki na nagmumula sa isang butas sa lupa ang inakala niyang usok. Ang napuntahan pala ni White ay ang Carlsbad Caverns ng New Mexico, na binubuo ng mga malalaki at kagila-gilalas na mga kweba.
Sa Biblia, nakasaksi rin si Moises ng kakaibang tanawin na pumukaw sa atensyon niya—isang naglalagablab na punongkahoy na hindi nasusunog (Exodus 3:2). Nang kausapin ng Dios si Moises sa pamamagitan ng naglalagablab na punongkahoy, napagtanto niya na higit na mas malaki at maganda ito kaysa sa inaakala niya. Kamangha-mangha ang kapangyarihan ng Dios. Sinabi ng Dios kay Moises, “Ako ang Dios ng iyong mga ninuno, ang Dios ni Abraham” (Tal. 6). Nais palayain ng Dios ang bayan Niya mula sa pagkakaalipin sa Egipto at ipakita sa kanila na sila’y Kanyang mga mamamayan (Tal. 10).
Nangako ang Dios kay Abraham anim na daang taon na ang nakalipas: “Sa pamamagitan mo, pagpapalain ko ang lahat ng tao sa mundo” (Genesis 12:3). Ang pagpapalaya sa mga Israelita ang unang hakbang sa mga plano ng Dios na iligtas ang lahat ng likha Niya sa pamamagitan ni Jesu-Cristo, na mula sa lahi ni Abraham.
Mararanasan natin ang biyaya at kapangyarihang ito sa ngayon. Namatay si Cristo sa krus para iligtas tayo mula sa ating mga kasalanan. Sa pamamagitan ng pananampalataya, magiging kabilang tayo sa mga anak ng Dios.