Kinakikitaan ng tapang at dedikasyon ang mga unang rumeresponde sa panahon ng mga sakuna. Nang pasabugin ang World Trade Center sa New York City noong 2001 kung saan napakarami ang nasawi at nasugatan, mahigit 400 na mga emergency worker ang namatay rin dahil sa pagsagip sa mga biktima. Upang parangalan ang mga unang rumespondeng ito, itinalaga ng senado ng Amerika ang Setyembre 12 bilang araw para kilalanin ang kahalagahan ng pagpapalakas ng loob ng ibang tao.
Masasabi na tila kakaiba na nagtalaga ang gobyerno ng isang araw para ipagdiwang ang pagpapalakas ng loob ng isang tao. Pero para kay Pablo, kinakailangan ang pagpapalakasan ng loob ng mga nagtitiwala sa Dios. Pinuri niya ang mga taga-Tesalonica, “palakasin ang mga mahihina sa pananampalataya nila, maging mapagpasensya kayo sa lahat” (1 Tesalonica 5:14). Nakaranas man ng pag-uusig ang mga taga-Tesalonica, patuloy na pinalakas ni Pablo ang loob nila, “sikapin ninyong makagawa ng mabuti sa isa’t isa at sa lahat” (Tal. 15).
Alam niya na bilang mga tao, madali silang panghinaan ng loob, maging makasarili, at magkaroon ng mga hindi pagkakaunawaan. Pero nalalaman ni Pablo na kaya nilang magpalakasan ng loob sa tulong ng Panginoong Dios.
Hindi rin naiiba ang kalagayan natin sa ngayon. Kailangan natin ang bawat isa para magpalakasan ng loob. Pero hindi natin ito magagawa sa sarili lang nating lakas. Kailangan natin ang tulong ni Jesus. Kaya sinabi pa ni Pablo, “tapat ang Dios na tumawag sa inyo, at gagawin Niya itong sinasabi namin” (Tal. 24).