Minsan, habang lumalangoy ang isang marine biologist sa Cook Islands sa karagatang Pasipiko, bigla siyang inipit ng isang malaking balyena sa palikpik nito. Akala ng babae ay katapusan na ng buhay niya. Pero pinakawalan siya ng balyena matapos itong lumangoy nang paikot. Doon nakita ng babae na may isang pating na papalayo sa kinaroroonan niya. Naniniwala siya na prinotektahan siya ng balyena mula sa kapahamakan.
Tinawag tayo ng Dios para alagaan at bantayan ang bawat isa sa mundong ito na puno ng kapahamakan. Pero maaring maitanong natin, “Totoo bang may pananagutan ako sa kapwa ko?” O tulad sa mga salita ni Cain, “Ako ba ang tagapagbantay niya?” (Genesis 4:9). Iisa ang malakas na tugon sa Lumang Tipan: Oo! Naatasan si Adan na pangalagaan ang hardin ng Eden. Naatasan rin naman si Cain na alagaan ang kapatid niyang si Abel.
At inatasan rin naman ng Dios ang bayan ng Israel na alagaan at tulungan ang mga nangangailangan. Pero kabaligtaran ang ginawa nila. Pinagsamantalahan nila ang kanilang kapwa, pinagmalupitan ang mga mahihirap, at sinalungat ang utos na mahalin ang kapwa nila tulad ng sarili (Isaias 3:14-15).
Nagkasala at napalayo man si Cain, patuloy pa rin siyang inalagaan at ginabayan ng Dios (Genesis 4:15-16). Ginawa ng Dios kay Cain kung ano ang dapat na ginawa niya para kay Abel. Isa itong magandang pagsasalarawan kung ano ang gagawin ni Jesus para sa atin. Patuloy tayong aalagaan at papalakasin ni Jesus. Magawa rin nawa natin ito sa ating kapwa.