Maraming nagbago sa mga pananaw ko sa buhay nang biglang pumanaw ang kapatid kong si David dahil sa atake sa puso. Pang-apat si David sa aming pitong magkakapatid pero siya ang unang pumanaw sa amin. Maraming bagay ang napagbulay-bulayan ko sa biglang pagpanaw niya. Napagtanto ko na sa pagtanda namin, mas haharap ang pamilya namin sa pagpanaw kaysa sa pagkakaroon ng panibagong miyembro. Mas haharap kami sa mga pamamaalam kaysa sa mga pagsalubong.
Hindi ito lingid sa kaalaman natin dahil ito ang katotohanan ng buhay. Pero isa itong mabigat na katotohanan para sa akin. Napagtanto kong nararapat pahalagahan ang bawat sandali at panahon na kasama natin ang mga mahal natin sa buhay. Pero higit dito, mas kinasasabikan ko ang pagsasama-sama natin sa hinaharap sa piling ng Dios kung saan wala nang pamamaalam at paglisan.
Sa Biblia, nasasaad sa Pahayag 21:3-4 ang katotohanang ito: “At Siya’y makakapiling nila at magiging Dios nila. ‘Papahirin Niya ang mga luha sa kanilang mga mata. Wala nang kamatayan, kalungkutan, iyakan o pait. Sapagkat lumipas na ang dating kalagayan.’
Nagdudulot ng kalungkutan sa atin ang pagpanaw at pamamaalam ng mga mahal natin sa buhay. Pero dahil sa kamatayan at muling pagkabuhay ni Jesus, makakaasa tayo ng masayang pagsalubong sa piling Niya.