Noong 1994, halos isang milyong tao mula sa tribong Tutsis ang pinatay ng mga taong mula sa tribo ng Hutu sa bansang Rwanda. Pinatay nila ang kanilang mga kababayan. Nang mangyari ang kahindik-hindik na pagpatay na ito, nilapitan ni Bishop Geoffrey Rwubusisi ang kanyang asawang si Mary upang matulungan ang mga kababaihang namatayan ng kanilang mga mahal sa buhay.
Pero nais lamang umiyak ng kanyang asawa dahil pinatay din kanyang mga mahal sa buhay. Kaya naman, ang sabi sa kanya ni Bishop Geoffrey ay, “Sige Mary, tipunin mo ang mga kababaihan at makidalamhati ka sa kanila.” Mauunawaan ni Mary ang pinagdadaanan ng ibang tao dahil siya rin naman ay nakaranas ng pagdadalamhati.
Maibabahagi din naman natin sa ating kapwa mananampalataya sa Dios ang lahat ng ating pinagdadaanan sa buhay, mabuti man ito o hindi mabuti. Mababasa natin sa Biblia ang tungkol sa pagmamahalan at pagtutulungan ng mga mananampalataya. “Magmahalan kayo bilang magkakapatid kay Cristo at maging magalang sa isa’t isa... Mamuhay kayo nang mapayapa sa isa’t isa” (Roma 12:10,16). Mababasa din natin sa talatang 15 kung paano pa tayo magiging bahagi ng bawat isa, “Makigalak kayo sa mga nagagalak, at makiramay kayo sa mga naghihinagpis.”
Dahil sa pag-ibig na ipinamalas sa atin ng Dios, maaari din naman nating ibahagi ang Kanyang kabutihan sa iba sa pamamagitan ng pakikihati sa kanilang mga kasiyahan at kalungkutan sa buhay.