Sinabi ng manunulat na si Mark Twain na makakaapekto sa hinaharap natin kung paano tayo tumitingin sa buhay sa kasalukuyan. Sinabi pa niya, “Hindi tayo maaring magtiwala sa mga nakikita ng mata natin kung sa maling bagay nakatuon ang ating imahinasyon o paningin.”
Nabanggit din naman sa Biblia ang tungkol sa paningin nang kausapin ni Pedro ang isang pulubing lumpo. Nakita nina Pedro at Juan ang lumpo mula sa pintuan ng templo (Gawa 3:2). Nang humingi ito ng limos sa kanila, tiningnan nila ang lalaki at sinabi ni Pedro, “Tumingin ka sa amin!” (Tal. 4).
Bakit kaya sinabi ito ni Pedro? Bilang mga kinatawan ni Jesus, marahil nais ni Pedro na huwag tumingin ang lumpo sa mga kakulangan niya at ang pangangailangan niya sa pera. Sa pagtingin ng lumpo sa mga apostol, makikita niya ang katotohanan ng pagkakaroon ng pananampalataya sa Dios. Sinabi rin ni Pedro, “Wala akong pera. Ngunit may ibibigay ako sa iyo: Sa pangalan ni Jesu-Cristo na taga-Nazaret, lumakad ka” (Tal. 6). “At hinawakan ni Pedro ang kanang kamay nito at pinatayo siya. Biglang lumakas ang kanyang mga paa at bukong-bukong. Palakad-lakad at patalon-talon siyang nagpupuri sa Dios (Mga Tal. 7-8).
Anong nangyari? Nagkaroon ng pananampalataya ang lumpo (Tal. 16). Tumingin siya sa Dios. Sinabi ng mangangaral ng ebanghelyo na si Charles Spurgeon, “Tumingin tayo sa Dios.” “Sa pagtingin sa Kanya, hindi natin makikita ang mga problema natin, kundi ang Dios, Siya ang nagbibigay liwanag sa daanan natin.”