Matapos maitalagang ministro ng Holy Trinity Church sa Cambridge, England si Charles Simeon (1759-1836), maraming taon siyang nakaranas ng oposisyon. Ang pangalawang ministro kasi ang nais ng karamihan na maitalaga sa halip na si Charles. Nagpakalat din sila ng mga hindi totoong balita laban sa kanya. Pero dahil nais ni Charles na maging puspos ng Banal na Espiritu, hindi niya pinansin ang mga maling paratang sa kanya.
Sa halip, namuhay siya sa tamang mga prinsipyo. Ayon sa kanya, nararapat na huwag paniwalaan agad ang mga nadidinig natin hanggang mapatunayang totoo ang mga ito. Palaging may dalawang panig ang bawat balita.
Sa ganitong gawain ni Charles, sinunod niya ang utos ng Dios na huwag magkalat ng kasinungalingan at malisyosong balita laban sa iba. Isa sa sampung utos ng Dios ang nagpapakita na nararapat tayong mamuhay nang may katapatan: “Huwag kayong sasaksi ng hindi totoo sa inyong kapwa” (Exodus 20:16). Isa pang utos sa Exodus ang nagpapatibay rito: “Huwag kayong magbabalita ng kasinungalingan” (23:1).
Magiging maganda at masaya ang mundo kung hindi tayo magkakalat ng maling balita at kung pipigilan natin ito agad bago pa ito kumalat. Humingi nawa tayo ng tulong sa Banal na Espiritu na magsalita lamang ng totoo at nang may pagmamahal sa iba. Mapapapurihan natin ang Dios sa pamamagitan nito.