Namatay noong 2013 si James McConnell, isang beterano ng British Royal Marine. Walang kamag-anak si McConnell at nangangamba ang mga nag-alaga sa kanya na baka walang pumunta sa libing niya. Isang lalaki ang nag-ayos ng libing ni McConnell. Naglabas ito ng mensahe sa Facebook: “Sa panahon ngayon, nakalulungkot na pumanaw sa mundong ito na wala man lamang ni isang taong makikiramay.
Pero kapamilya natin si McConnell... Nawa’y makadalo kayo sa libing ng kapatid natin para magbigay ng huling pagpupugay sa kanya.” Matapos mabasa ang mensahe, dalawang daang marino ang dumalo sa libing ni McConnell!
Isang katotohanang nasa Biblia ang katulad ng ipinakita ng mga marino: magkakaugnay tayong lahat. Sinabi ni Pablo, “Ang katawan ay binubuo ng maraming parte at hindi ng isang parte lamang” (1 Corinto 12:14). Hindi tayo nag-iisa. Magkakasama at magkakabigkis tayo kay Jesus. Ipinakikita ng Biblia ang pagkakaugnay-ugnay natin: “Kung nasasaktan ang isang parte ng katawan, ang ibang parte ay nasasaktan din (Tal. 26). Bilang mga nagtitiwala kay Jesus, magkakasama at magkakaramay tayo sa kalungkutan at kahirapan. Hindi tayo dapat matakot. Hindi tayo nag-iisa.
Ang pinakamahirap sa panahong dumaranas tayo ng pagsubok ay ang pakiramdam na nag-iisa tayo at walang karamay. Pero hindi ito hinahayaan ng Dios. Kasama natin ang mga nagtitiwala sa Dios na dumadamay sa atin sa panahon ng kalungkutan.