Nang makaranas ng matinding suliranin ang anak ko, ipinaalala ko sa kanya ang kabutihan ng Dios sa pamilya namin nang mawalan ng trabaho ang tatay niya. Ipinaalala ko rin sa kanya kung paanong nagkaloob ang Dios ng kapayapaan sa amin nang magka-kanser at mamatay ang nanay ko. Ipinaalala ko rin sa kanya na tinutupad ng Dios ang mga pangako Niyang nakasaad sa Kanyang mga Salita. Tinulungan ko ang anak ko para maalala niya ang kabutihan ng Panginoon sa pamilya namin sa lahat ng pagkakataon. Sa kasiyahan man o kalungkutan, palaging sapat ang presensya, pag-ibig, at awa ng Dios.
Bagama’t nais kong isipin na paraan ko mismo ang alalahanin ang kabutihan ng Dios, ang Dios ang nagdisenyo sa pagbabahagi ng tungkol sa Kanyang pagkilos para makapagbigay ng inspirasyon sa mga susunod na henerasyon. Patuloy na pinatatatag ng Dios ang pananampalataya ng mga Israelita habang tinuturuan Niya ang mga ito na alalahanin ang Kanyang kabutihan.
Napatunayan ng mga Israelita ang katapatan ng Dios sa mga pangako Niya (Deuteronomio 4:3-6). Laging pinakikinggan at sinasagot ng Dios ang mga panalangin nila (Tal. 7). Ibinahagi nila nang may galak ang kabutihan ng Dios sa mga nakababatang henerasyon (Tal. 9). Ibinahagi rin nila sa mga ito ang Salita ng iisa at buhay na Dios (Tal. 10).
Lalong tumitibay ang pananampalataya at pagkakakilala natin sa Dios habang inaalala natin ang kadakilaan, awa, at wagas Niyang pag-ibig.