Minsan, pinag-aaralan namin sa klase ang isang nobela. Binanggit doon ang isang talata sa Biblia. Nang kuhanin ko ang aking Biblia, napansin ako ng propesor namin at sinabing, “Kapag humawak ako ng Biblia, masusunog ito sa mga kamay ko.” Inakala niya na napakamakasalanan niya para hindi siya patawarin ng Dios. Nalungkot ako sa sinabi niya pero hindi ako nagkaroon ng lakas ng loob para sabihin sa kanya ang tungkol sa pag-ibig at pagpapatawad ng Dios.
May nabanggit rin sa aklat ng Nehemias tungkol sa pagpapatawad. Pinaalis noon ang mga Israelita sa bayan nila dahil sa mga pagkakasala nila. Pinabalik din silang muli matapos ang mahabang panahon. Nang nakatira na sila roon, binasa ni Ezra na eskriba ang mga kautusan sa kanila (Nehemias 7:73-8:3).
Inamin nila ang kanilang mga pagkakasala. Inalala nila na sa kabila ng mga pagkakamali nila, hindi sila “pinabayaan” at “iniwan” ng Dios (9:17, 19). “Pinakinggan sila ng Dios nang umiiyak sila. At dahil sa awa at biyaya ng Dios, pinatawad Niya ang mga Israelita (Mga Tal. 27-31).
Maunawain at mapagpatawad din ang Dios sa atin. Kung aaminin natin ang ating mga kasalanan at hihingi ng tawad sa Kanya, hindi Niya tayo tatalikuran. Nais ko sanang ibalik ang panahon para sabihin sa propesor ko na anuman ang nakaraan at kasalanan niya, mahal siya ni Jesus at nais Niya na maging anak siya ng Dios. Ganoon din ang nadarama ni Jesus para sa iyo at sa akin. Maari tayong lumapit sa Kanya. Lagi Siyang handang magpatawad.