Namangha ako sa libu-libong kandadong nakasabit sa tulay ng Pont des Arts sa Paris. Nakaukit sa mga kandadong ito ang mga inisyal ng mga pangalan ng magkasintahang nagmamahalan. Simbolo ng wagas at walang hanggang pag-ibig ang bawat kandado. Noong 2014, tinatayang umabot na sa limampung tonelada ang timbang ng lahat ng mga kandadong nakasabit sa tulay. May bahagi na ng tulay na nasira kaya kailangang tanggalin na ang ilang mga kandado.
Sumisimbolo sa pagnanais ng tao ng totoo at walang hanggang pag-ibig ang napakaraming kandadong nakasabit sa tulay. Sa Biblia naman, mababasa sa aklat ng Awit ng mga Awit ang pag-uusap ng dalawang taong nagmamahalan. Binabanggit dito ang pagpapahayag ng babae na nais niyang hindi siya makalimutan o iwanan ng minamahal niya, “iukit mo ang pangalan ko sa puso mo para patunayan na ako lamang ang mahal mo.
At ako lamang ang yayakapin ng mga bisig mo” (8:6). Ang pahayag ng babae ay nagpapakita na nais niyang makatiyak sa totoong pag-ibig ng minamahal niya tulad ng pag-uukit nito sa puso niya o gaya ng isang singsing sa kanyang daliri.
Mababasa natin sa Efeso na ipinagkaloob sa atin ang Banal na Espiritu bilang tatak ng Kanyang walang hanggang pag-ibig na inaasam natin (1:13). Tulad ng mga kandadong tinanggal mula sa tulay, maaring mawala at matapos ang pag-ibig ng mga taong malalapit sa atin. Pero patunay ang Banal na Espiritu sa walang hanggan at totoong pagmamahal ni Jesus sa atin.