Naging mabigat para kay Jonathan ang sinumpaan niyang pangako sa kasal nila ni LaShonne. Naisip niya, Paano ko kaya matutupad ang mga pangako ko kung hindi ako naniniwalang posible kong matupad ang mga ito? Dahil dito, pagkatapos ng kainan ay inaya niya ang asawa sa kapilya at nanalangin siya ng higit dalawang oras at humingi ng tulong sa Dios na matupad ang pangako niyang mamahalin at iingatan si LaShonne.
Ang mga pangamba ni Jonathan ay nagpapakita ng kanyang pagkilala sa kahinaan ng tao. Pero hindi natin tulad ang Dios, wala Siyang kahinaan. Tapat Siyang nangako kay Abraham na pagpapalain Niya ang bayan ng Israel sa pamamagitan ng anak nito (Galacia 3:16).
Para patatagin ang pananampalataya ng mga Judiong nagtitiwala sa Dios, ipinaalala ng manunulat ng aklat ng Hebreo ang mga pangako ng Dios kay Abraham, ang matiyagang paghihintay nito, at ang katuparan ng pangako ng Dios (Hebreo 6:13-15). Hindi naging hadlang ang katandaan nina Abraham at Sara para hindi maging tapat ang Dios sa ipinangako Niyang pararamihin ang lahi ni Abraham (Tal. 14).
Nagsisilbing hamon ba sa iyo na pagtiwalaan ang Dios sa kabila ng mga kahinaan mo? Nahihirapan ka bang maging tapat sa pagtupad ng mga sinumpaan mo? Nangako ang Dios na tutulungan tayo, “Sapat na sa iyo ang Aking biyaya, dahil ang kapangyarihan Ko’y nakikita sa iyong kahinaan” (2 Corinto 12:9). Sa tulong ng Dios, nananatiling tapat sina Jonathan at LaShonne sa pangako nila. Bakit hindi ka rin magtiwala na tutulungan ka ng Dios?