Dahil nakatira malapit sa bukid, napansin ni Michael Yaconelli na mahilig maglibot ang mga baka dahil sa paghahanap ng makakain. Patuloy sila sa paglalakad sa pagnanais na makakita ng mas maraming damo hanggang sa makarating na sa kalsada. Dahil dito, unti-unti na silang napapalayo sa bukid at tuluyan nang naliligaw. Tulad ng mga baka, mahilig ding maglibot ang mga tupa kaya madalas ding maligaw. Pero tayong mga tao ang may pinakamalaking posilibidad na maligaw ng landas.
Marahil ito ang dahilan kung bakit sa Biblia ay inihahalintulad ang mga tao sa tupa. Madali tayong maligaw ng landas at napapalayo sa katotohanan dahil hindi tayo nagiging maingat sa ating ikinikilos at sa mga maling desisyon natin sa buhay.
Ikinuwento rin ni Jesus sa mga Fariseo ang tungkol sa nawawalang tupa. Lubos na mahalaga para sa pastol ang tupang nawawala kaya iniwan niya ang iba pa niyang tupa para hanapin ang naligaw na tupa. At nang makita na ng pastol ang nawawalang tupa, nagsaya at nagbunyi siya! (Lucas 15:1-7).
Ganito rin ang kagalakang nadarama ng Dios sa tuwing nanunumbalik sa Kanya mula sa pagkakasala ang Kanyang mga anak. Sinasabi sa talata 6, “Makipagsaya kayo sa akin, dahil nakita ko na ang nawawala kong tupa.” Ipinagkaloob ng Dios ang Kanyang Anak na si Jesus para iligtas tayo at ibalik sa piling Niya.