Pinangunahan ni Frank Borman ang unang misyon para libutin ang buwan. Hindi naman siya gaanong humanga sa nakita niya. Ayon sa kanya, magandang karanasan ang kawalan ng timbang sa kalawakan sa loob ng tatlumpung segundo. Pero pagkatapos noon, nasanay na lang siya rito. Sinabi rin niya na puno ng butas ang buwan sa malapitan. Nainip agad sila ng kanyang mga kasama matapos kumuha ng mga larawan ng buwan.
Nakarating si Frank sa lugar na hindi pa napupuntahan ng sino man pero hindi pa rin iyon naging sapat para sa kanya. Kung agad na siyang nainip at nagsawa sa naranasan niya sa buwan, marahil ay huwag tayong masyadong umasa na masisiyahan sa mga mararanasan natin. Ayon sa sumulat ng aklat ng Mangangaral, walang anumang bagay o karanasan sa mundo ang magdudulot sa atin ng lubos na kaligayahan, “Hindi nagsasawa ang mga mata natin sa katitingin at mga tainga natin sa pakikinig” (1:8). Maari tayong makadama ng panandaliang pagkagalak sa isang bagay. Pero pagkatapos nito, muli na naman tayong maghahanap ng ibang bagay na magbibigay ng kasiyahan sa atin.
Nagkaroon pa rin naman ng magandang karanasan si Frank doon nang masilayan ang paglutang ng mundo mula sa kadilimang hatid ng buwan. Tulad ng isang holen na kulay asul at puti, nagningning ang mundo dahil sa liwanag na taglay ng araw.
Makararanas din tayo ng tunay na kagalakan kung nasa mga buhay natin si Cristo. Siya ang ating buhay at nagbibigay-liwanag dito. Si Cristo ang pinagmumulan ng kahulugan, pag-ibig, at ng ating kagandahan. Hindi maibibigay ng mundo ang kasapatang hinahanap natin. Siya ang ating kasapatan.