Isang uri ng sining ang anamorphic art. Sa unang tingin, tila binubuo ng iba’t ibang bagay ang isang larawan. Pero kung titingnan ito sa tamang anggulo, makikita ang tunay na larawang ipinapakita nito. Ipinapakita ng grupo ng mga nakatayong poste ang imahe ng isang kilalang pinuno. Balangkas naman ng isang elepante ang ipinapakita ng mga magkakasamang kable. At ang daan-daang itim na tuldok naman sa isang kawad ay isa palang imahe ng mata ng isang babae. Ang susi para makita ang totoong larawan ay ang pagtingin sa iba’t ibang angulo nito.
Ang Biblia nama’y tila mahirap maunawaan dahil binubuo ito ng libu-libong mga talata ng kasaysayan, tula, at iba pa. Pero ang Salita ng Dios mismo ang nagtuturo sa atin para maunawaan ang mensahe nito. Tulad ng anamorphic art, nararapat na tingnan ang Biblia sa iba’t ibang anggulo at pagbulayan para mas maunawaan ito.
Ganito rin ang mga talinghaga ni Cristo sa Biblia. Ang mga taong nais itong maunawaan ay nagkakaroon ng mga mata para maintindihan ito (Mateo 13:10-16). Sinabi rin ni Pablo kay Timoteo na pagbulayan ang mga Salita ng Dios para mabatid ang mensahe nito (2 Timoteo 2:7). Binanggit naman sa Salmo 119 na nagbibigay ang Salita ng Dios ng karunungan, kabatiran, at liwanag sa mga mata natin (119:18, 97-99).
Maglaan nawa tayo ng oras sa pagbabasa ng Salita ng Dios tulad ng mga talinghaga at tingan ito sa iba’t ibang perspektibo. Pagbulayan natin ito nang mabuti. Natututo tayo sa mga Salita Niya hindi lamang sa pagbabasa, kundi sa pamamagitan ng pagbubulay sa mga ito.