“Ganoon lang kadali iyon!” Kumuha si Megan ng tangkay ng halamang heranyo, isinawsaw sa pulot, at itinanim ito. Tinuturuan niya ako kung paano magpatubo at magparami ng halamang iyon. Nagtuturo si Megan kung paano mag-alaga ng mga halaman. Itinuro niya kung paano maging malusog ang mga halaman at magbunga ito ng mga bulaklak. Ayon kay Megan, tumutulong ang pulot sa mga bata pang halaman para magkaroon sila ng mga ugat.
Habang pinanonood ko si Megan, naisip ko naman kung anu-ano kaya ang maaari nating gawin para maging mabunga ang ating buhay espirituwal? Anu-ano ang mga makatutulong sa atin para lumakas at tumibay ang pananampalataya natin? Ano naman kaya ang nagdudulot para malanta tayo o hindi magbunga? Sumulat si Pablo sa mga taga-Efeso, “maging matibay kayo at matatag sa pag-ibig ng Dios” (Efeso 3:17).
Nagmumula sa Dios ang pag-ibig na ito na nagpapalakas sa pamamagitan ng Banal na Espiritu. Naninirahan si Cristo sa mga puso natin. At habang inuunawa natin “kung gaano kalawak, at kahaba, at kataas, at kalalim ang pag-ibig ni Cristo sa atin” (Tal. 18), mas lubos natin Siyang nakikilala at “para maging ganap sa [atin] ang katangian ng Dios” (Tal. 19).
Para lumago tayo sa pagkakakilala sa Dios, nararapat na nakatanim sa mga puso natin ang pag-ibig Niya. Dakila ang pag-ibig ng Dios “na makakagawa ng higit pa sa hinihingi o inaasahan natin” (Tal. 20). Isang matibay na pundasyon ng pananampalataya ang pag-ibig ng Dios!