Isang mahusay na manunulat ang aking kaibigan. May isinulat siyang bagong libro at maraming magagandang puna ang natanggap niya mula rito. Nakakuha pa siya ng gantimpala sa pagsulat nito. Pero may isang sikat na magasin ang nagbigay ng hindi magandang pagpuna sa kanyang isinulat na libro. Tinanong kami ng aking kaibigan kung paano siya tutugon sa ganoong uri ng kritisismo.
Ipinayo ng isa naming kaibigan na hayaan niya na lamang ito. Ipinayo ko naman na maaaring matuto rin siya sa ibinigay na pagpuna sa kanya.
Ipinasya kong basahin ang Biblia kung anong payo ang makukuha sa ganitong uri ng kritisismo. Sinabi sa aklat ni Santiago na, “Dapat maging handa kayo sa pakikinig, dahan-dahan sa pananalita, at huwag agad magagalit” (1:19). Sinabi rin naman ni Apostol Pablo, “Mamuhay kayo nang mapayapa sa isa’t isa” (Roma 12:16).
Marami rin tayong mapupulot na payo sa aklat ng Kawikaan kung paano tayo tutugon sa ganitong uri ng pagpuna. Sinabi sa Kawikaan 15:1 na, “Ang malumanay na sagot ay nakakapawi ng poot.” “Ang taong mainitin ang ulo ay nagpapasimula ng gulo” (T. 18) subalit “kung makikinig siya, lalago ang kanyang kaalaman” (T. 32). Tulungan nawa tayo ng Dios na tumugon nang tama sa ganitong uri ng sitwasyon. Pinapayuhan din naman tayo na matakot sa Panginoon dahil ang nagpapakumbaba ay pinaparangalan (T. 33).