Nawawala ang dalawang taong gulang na si Kenneth kaya sobrang nag-alala ang kanyang mga magulang. Mabuti na lang at may nakakita sa kanya sa parke malapit sa kanilang bahay. Nangako pala ang nanay niya na pupunta sila sa parkeng iyon kasama ang kanyang lolo. Kaya naman umalis siya sakay ng kanyang laruang kotse-kotsehan at pumunta doon.
Alam ni Kenneth kung paano pumunta sa lugar na gusto niyang puntahan. Pero dahil dalawang taong gulang pa lamang siya, wala pa siyang sapat na karunungan sa mga bagay na ginagawa niya. Minsan, tayong mga matatanda ay wala ring sapat na karunungan sa mga bagay na dapat nating pagdesisyunan.
Gaya na lamang ni Solomon na hinirang na hari ng kanyang amang si David (1 Hari 2). Inamin niya na bata pa siya upang mamuno. Nagpakita sa kanya ang Dios sa isang panaginip at sinabi sa kanya, “Humingi ka ng kahit ano at ibibigay ko ito sa iyo” (3:5). Sumagot si Solomon, “Binatilyo pa ako at wala pang karanasan sa pamamahala...Kaya bigyan N’yo po ako ng karunungan para pamahalaan ang Inyong mga mamamayan at kaalamang malaman kung ano ang mabuti at masama” (T. 7-9). Binigyan ng Dios si Solomon ng “di-pangkaraniwang karunungan at pang-unawa, at kaalaman na hindi masukat” (4:29).
Kanino nagmumula ang karunungang kailangan natin? Sinabi ni Solomon na ang paggalang sa Panginoon ang pasimula ng karunungan (Kawikaan 9:10). Kaya naman, humingi tayo ng karunungang nagmumula sa ating Panginoon.