Mabigat ang pinagdaraanang problema ni Mack at desperado na siya. Nalulon siya sa paggamit ng ipinagbabawal na gamot at gumagawa pa siya ng masasamang gawain. Hindi na rin maganda ang relasyon niya sa ibang tao at nakokonsensiya na siya sa mga kasalanang ginagawa niya. Minsan, bumisita siya sa isang simbahan at kinausap ang pastor doon. Ibinahagi niya sa pastor ang pinagdadaanan niyang problema. Pinakinggan naman niya ang ibinahagi sa kanya ng pastor tungkol sa awa at pagpapatawad ng Dios.
Pinaniniwalaang isinulat ni David ang Salmo 32 sa Biblia matapos siyang makagawa ng kasalanan ng pangangalunya. Mas lalo pang naging mabigat ang kasalanan ni David dahil gumawa siya ng plano upang ipapatay ang asawa ni Batsheba (Basahin ang 2 Samuel 11-12). Hindi maganda ang naging resulta ng mga kasalanang ginawa ni David.
Mababasa sa Salmo 32:3-4 ang mga naranasan ni David nang hindi niya ipinagtapat sa Dios ang kanyang kasalanan. Subalit naibsan ang dalahin ni David nang ipagtapat niya sa Dios ang kanyang kasalanan. Tinanggap din naman niya ang kapatawarang nagmumula sa Dios (T. 5).
Sa tuwing nagkakasala tayo, wala tayong ibang dapat gawin kundi ang lumapit sa Dios at humingi ng awa at kapatawaran. Handa tayong patawarin ng Dios kung ipagtatapat natin sa Kanya ang ating mga kasalanan. Masasambit din naman natin na, “Mapalad ang isang tao na ang mga pagsuway at mga kasalanan ay pinatawad at kinalimutan na ng Panginoon” (T. 1).