Limang araw lamang nagkasama si Walter Dixon at ang kanyang asawa pagkatapos nilang ikasal bago siya muling sumabak sa giyera. Makalipas lamang ang ilang buwan, hindi na makita si Dixon. Tanging ang jacket niya na may nakatagong sulat para sa asawa ang natagpuan sa lugar ng bakbakan. Akala ng lahat ay patay na siya. Pero, buhay pa si Dixon at bihag ng mga kalaban. Sa loob ng higit dalawang taon, limang beses niyang sinubukang tumakas, pero hindi siya nagtagumpay. Gayon pa man, pinalaya rin siya. Laking gulat ng marami sa kanyang pagbabalik!

Alam din naman ng mga Israelita noon na bansang pinili ng Dios kung ano ang damdamin ng mabihag, mapalayo sa pamilya at manabik sa pag-uwi. Dahil sa kanilang pagsuway sa Dios, nabihag sila ng kanilang mga kaaway. Araw-araw nilang hinangad na makabalik, subalit wala silang kakayanang makatakas. Buti na lamang at nangako ang Dios na hindi sila kalilimutan nito, “Pababalikin Ko sila sa kanilang lupain dahil naaawa Ako sa kanila” (Zacarias 10:6).

Tinupad ng Dios ang nais ng mga Israelitang makabalik, hindi dahil sa kanilang pagsisikap, kundi dahil sa Kanyang habag. “Tatawagin Ko ang aking mga mamamayan...at babalik sila sa kanilang lupain” (Tal. 8-9).

Ang ating paglayo ay maaaring dulot ng mga maling desisyon o mahirap na sitwasyong wala sa ating kontrol. Kahit ano pa man ang dahilan, hindi tayo kinakalimutan ng Dios. Alam Niya ang ating mga ninanais. Kung magtitiwala tayo sa Dios, makakabalik tayo sa piling ng Dios na siyang ating tunay na tahahan.