Hindi maiwasan ni Ben ang mainggit. Sunod-sunod kasi ang promosyon ng kanyang mga kasabayan sa trabaho. Sa halip na malungkot, ipinaubaya na lamang niya sa Dios ang kanyang sitwasyon. Sinabi ni Benjamin, “Kung ito ang plano ng Dios sa akin, gagawin ko nang mabuti ang aking trabaho”.
Makalipas ang ilang taon, tumaas na rin ang posisyon ni Ben. Dahil sa kanyang karanasan sa dating posisyon, mas maayos niyang nagampanan ang bagong tungkulin. Kaya naman, nakuha agad niya ang respeto ng kanyang mga kasama. Habang ang iba niyang kasama, nahihirapan pa rin sa kanilang mga responsibilidad dahil naging napakaaga ang kanilang promosyon. Napagtanto ni Ben na hinayaan siya ng Dios na tahakin ang malayong daan upang mas maging handa at karapatdapat siya sa bago niyang tungkulin.
Noong pinalaya ng Dios ang mga Israelita mula sa Egipto (Exodo 13:17-18), hinayaan Niyang tahakin nila ang malayong daan. Mapanganib kasi ang madaling daan patungo sa Canaan. Sinabi ng mga dalubhasa ng Biblia na ang paglalakbay sa mahabang daan ng mga Israelita, ang naghanda sa kanila para sa mga kinaharap nilang laban.
Hindi laging higit na mabuti ang pinakamaikling daan. Hinahayaan tayo ng Dios na tahakin ang malayong daan sa anumang aspeto ng ating buhay, upang ihanda tayo sa paglalakbay sa hinaharap. Kapag sa palagay natin ay hindi kaagad nangyayari ang mga bagay na ating inaasahan, magtiwala tayo sa Dios na gumagabay sa atin.