Si Victor Hugo (1802-1885) ay isang makata at manunulat noong panahon ng kaguluhan sa bansang France. Kilala siya sa isinulat niyang nobelang Les Miserables. Makalipas ang mahigit isandaang taon, isang dula na base sa nobelang isinulat ni Hugo ang naging tanyag. Hindi ito nakakagulat. Ayon na rin kay Hugo, “Isang paraan ang musika para masabi ang mga bagay na hindi kayang sabihin ngunit nararapat na sabihin.”
Sasang-ayon ang mga sumulat ng mga Salmo sa Biblia sa sinabi ni Hugo. Ang mga awit at dalangin na isinulat nila ay sumasalamin sa tunay nilang nadadama. Pinapahayag ng mga salmo ang mga bagay na hindi natin kayang sabihin. Isang halimbawa rito ay ang Salmo 6:6 na isinulat ni David. “Ako’y pagod na sa sobrang pagdaing. Gabi-gabi’y basa ng luha ang aking unan, dahil sa labis na pag-iyak.”
Nakapagbibigay ng lakas ng loob sa atin ang mga salmong ito. Nagiging daan ang mga ito para sabihin natin sa Dios ang mga tunay nating nararamdaman. Hinihikayat tayo ng mga salmo na ilapit sa Dios ang mga takot at pangamba natin. Palaging nariyan ang Dios para makinig sa atin. Handa Niya tayong tanggapin, kalingain, at tulungan.
Isang paraan ang musika para masabi at maipahayag natin ang mga bagay na hindi natin masabi. Ano pa man ang mga nadarama natin, laging handa ang Dios na makinig sa atin at pagkalooban tayo ng kapayapaan.