Minsan, pumunta kami ng asawa ko sa Isla ng Hawaii. Umupo ako sa isang malaking bato sa tabi ng dagat habang ang asawa ko ay masayang kumuha ng larawan ng napakagandang paligid.
Habang nakaupo naman ako at nagbubulay-bulay, naagaw ang atensyon ko ng isang malaki at rumaragasang alon. May nakita rin akong malaking anino ng isang bagay na parang nakasakay sa ibabaw ng alon. Kaya naman, kinuha ko ang aking camera at ginamit ko ang zoom mode nito para makita ko ng malinaw kung ano ang bagay na nasa alon. Napangiti ako ng malaman ko na isang malaking pagong pala iyon.
Sinabi naman sa Biblia, ang ating dakila at makapangyarihang Dios ang namamahala sa “Nagngangalit na dagat, pinatatahimik [ng Dios] ang mga malalaking alon” (Salmo 89:9). “Pupurihin ng mga nilalang ang mga kahanga-hangang gawa [ng Dios]” (Tal. 5). Ang Dios din ang Dakilang Manlilikha ng “langit at ang lupa, ang mundo at ang lahat ng narito” (Tal. 11). Ginawa at pinamamahalaan ito ng Dios para sa Kanyang kaluwalhatian at para sa ating kasiyahan habang pinagmamasdan natin ang Kanyang mga nilikha.
Ang pagmamahal naman sa atin ng ating Dios na hindi nagbabago ang siyang pundasyon ng ating pananampalataya. Makakapamuhay din tayo sa liwanag at paggabay ng ating Dios (Tal. 15). Patuloy Niya ring ipadarama sa atin ang Kanyang kahabagan. At magagawa rin nating magsaya at magpuri sa Dios sa buong araw (Tal. 16). Kaya naman, anuman ang ating harapin na mga matitinding pagsubok sa buhay, tutulungan at gagabayan tayo ng Dios para malampasan ito.