Noong Enero 28, 1986, sumabog ang US Space Shuttle Challenger matapos itong lumipad ng ilang segundo. Sa isang talumpati ni Pangulong Reagan para palakasin ang loob ng kanyang mga kababayan, binanggit niya ang isang tula. Tumutukoy ang tula sa kung paano nakikita ang kaluwalhatian ng Dios sa Kanyang mga nilikha. Sinabi pa roon na parang nahahawakan natin ang mukha ng Dios sa tuwing nakatanaw tayo sa kalawakan.

Hindi man natin tunay na mahahawakan ang mukha ng Dios, nararanasan naman natin na makita ang ganda ng paglubog ng araw at ganda ng Kanyang mga nilikha. Naipadadama nito sa atin na lagi nating kasama ang Dios. Tinatawag ng iba ang pangyayaring ito na isang ‘lugar kung saan malapit tayo sa Dios’.

Maaaring naranasan naman ng mga Israelita noon ang ganitong klaseng lugar noong naglalakbay sila sa liblib na lugar. Sa kanila kasing paglalakbay, nagpapadala ang Dios ng kumpol ng mga ulap upang hindi sila maiinitan ng araw. At sa gabi naman ay apoy upang magsilbing liwanag sa kanilang dinaraanan (Exodus 40:34-38). Kung nagpapahinga naman sila sa kanilang mga tolda, kasama nila ang “makapangyarihang presensya ng Panginoon na nasa anyong ulap” (Tal. 35). Nalalaman ng mga Israelita na kasama nila ang Dios sa buong paglalakbay nila.

Habang masaya nating pinagmamasdan ang magagandang nilikha ng Dios, malalaman natin na lagi nating kasama ang Dios. Sa atin namang pananalangin at pagbabasa ng Biblia, malulugod tayo dahil kasama natin Siya kahit saan at anumang oras.