Nakatira ang aming pamilya sa isang bahay na malapit nang mag-isang daang taon ang tanda. Medyo marurupok na rin ang mga pader nito na gawa sa kahoy. Kaya naman, sinabihan ako ng mga nag-aayos ng aming bahay na pagkatapos kong ipako ang lagayan ng aming larawan ay dikitan ko pa ito para lalong tumibay. Kung hindi ko raw iyon gagawin ay makikita ko na lang sa sahig ang aming larawan.

Inilarawan din naman ni Propeta Isaias si Eliakim sa isang pako na matibay na nakapako sa dingding. Tapat sa Dios si Eliakim hindi tulad ng opisyal ng bayan na si Shebna (Isaias 22:15-19) at maging ang mga Israelita na gahaman sa kapangyarihan sa kanilang lugar (Tal. 8-11).

Ipinahayag ni Propeta Isaias na magiging matibay ang katungkulan ni Eliakim sa kaharian ni Haring Hezekiah na “parang matibay na sabitan sa dingding” (Tal. 23). Dahil sa pagtitiwala ni Eliakim sa kagandahang-loob ng Dios ay naging daan para kay Eliakim na masuportahan at matulungan din ang kanyang pamilya at mga kababayan (Tal. 22-24).

Gayon pa man, ipinaaalala ni Isaias na walang sinuman ang makakasiguro na ligtas ang kanilang pamilya o mga kaibigan dahil lahat tayo ay nabibigo (Tal. 25). Pero kung ipagkakatiwala natin kay Jesus ang lahat at iaangkla ang ating buhay sa Kanya, makakasigurado tayo na ililigtas Niya tayo (Salmo 62:5-6; Mateo 7:24). Habang nag-aalala tayo para sa ating pamilya at mga kaibigan, mahikayat nawa tayong ilapit sila kay Jesus. Siya ang matibay nating masasandalan sa ating buhay.