Dalawang bumbero ang pagod na pagod at pawis na pawis na nag-aalmusal sa isang restawran. Naibalita sa telebisyon ang ginawa nilang pag-apula ng nasusunog na bodega. Nakilala sila ng serbidora. Para magpakita ng pagpapahalaga sa ginawa ng dalawang bumbero, sumulat ang serbidora sa listahan ng babayaran nila. “Libre ko na ang almusal ninyo. Maraming salamat sa paglilingkod at pagliligtas ninyo sa mga nasunugan. Isang napakagandang halimbawa ang katapangan at dedikasyon ninyo.”
Sa Lumang Tipan naman ng Biblia, makikita natin ang halimbawa ng katapangan ng tatlong batang lalaking sina Shadrac, Meshac, at Abednego (Daniel 3). Sa halip na sundin ang utos ng hari ng Babilonia na yumukod at sumamba sa isang rebulto, nanindigan ang tatlo na mananatili silang tapat sa Dios. Itatapon sa napakainit na hurno ang sinumang hindi susunod sa utos ng hari.
Pero hindi natakot ang tatlo. “Kung talaga pong ganyan ang mangyayari, ililigtas kami ng Dios na aming pinaglilingkuran mula sa naglalagablab na hurno. Ililigtas Niya kami mula sa inyong mga kamay. Pero kung hindi man Niya kami iligtas... Hindi pa rin kami maglilingkod sa iyong mga dios o sasamba sa rebultong ginto na ipinatayo ninyo” (Tal. 17-18).
Iniligtas naman at sinamahan ng Dios ang tatlong lalaki mula sa nagbabagang apoy (Tal. 25-27). Tulad man ng napakainit na apoy ang mga dinaranas natin, makakaasa tayong palagi natin kasama ang Dios. Makapangyarihan ang Dios na Siyang tutulong sa atin sa lahat ng pagkakataon.