Namatay noong 2019 si Charlie VanderMeer sa edad na walampu’t apat. Sa loob ng mahabang panahon, libu-libong mga tao ang nakakakilala sa kanya bilang Uncle Charlie. Siya ang nangunguna sa isang programa sa radyo na Children’s Bible Hour. Isang araw bago pumanaw si Uncle Charlie, sinabi niya sa matalik niyang kaibigan, “Hindi mahalaga kung ano ang nalalaman mo. Sa halip, kung sino ang pinagtitiwalaan mo. Si Jesu-Cristo ang tinutukoy ko na Siyang aking pinagtitiwalaan.”

Hanggang sa huling sandali ng buhay niya, patuloy na binabanggit ni Uncle Charlie ang kahalagahan ng pagtitiwala kay Jesus bilang Tagapagligtas.

Nagpahayag din naman si Apostol Pablo na isang dakilang bagay ang makilala at magtiwala kay Jesus: “Ang lahat ng bagay ay walang halaga kung ihahambing sa pagkakakilala ko kay Cristo Jesus na aking Panginoon. Itinuturing ko na parang basura ang lahat ng bagay makamtan lang si Cristo (Filipos 3:8-9). At paano tayo magtitiwala kay Jesus? “Kung ipapahayag mo na si Jesus ay Panginoon at sasampalataya ka nang buong puso na muli Siyang binuhay ng Dios, maliligtas ka” (Roma 10:9).

Maraming mga bagay ang itinuturo sa Biblia na makatutulong para makilala si Cristo. Pero ang tanging daan lang para magkaroon tayo ng kaligtasan sa kaparusahan sa kasalanan ay tanggapin at pagtiwalaan ang dakilang ginawa ni Jesus sa krus. Si Jesus ang kailangan nating makilala at pagtiwalaan sa ating buhay.